DOH: Kaso ng tigdas sa Pilipinas, umabot na sa mahigit 9,000

by Jeck Deocampo | February 20, 2019 (Wednesday) | 15966

MANILA, Philippines – Patuloy na nadaragdagan araw- araw ang kaso ng tigdas sa bansa na umabot na sa mahigit siyam na libo mula Enero 1 hanggang Pebrero 18.

Batay sa ulat ng Department of Health (DOH), mas mataas ito ng mahigit anim na libong kaso kumpara sa kaparehas na panahon noong 2018. Umakyat na rin sa 146 ang nasawi dahil sa tigdas.

Pero ang ikinababahala ngayon ng Kagawarang ng Kalusugan ay ang patuloy na paglobo ng measles cases lalo na sa Calabarzon, National Capital Region (NCR) at Central Luzon.

Simula sa Sabado ay bukas na ang mga health center sa NCR kahit Sabado at Linggo upang magbigay ng libreng bakuna sa mga batang nasa anim na buwan hanggang limang taong gulang.

Paliwanag ng DOH, kailangang mapaigting pa ang pagbababkuna kontra tigdas dahil posibleng maapektuhan ang turismo at ekonomiya ng bansa kapag kumalat pa ito at mas marami pa ang mahawa.

Tinitiyak rin ng DOH na walang tigdas ang mga Pilipinong bumibiyahe palabas ng bansa lalo na ang Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon pa kay DOH Spokesperson Undersecretary Eric Domingo, nag-aalala na ang mga awtoridad sa Hong Kong dahil baka may dalang tigdas ang mga Pilipinong nagtutungo roon.

“Nag- express lamang sila ng concern like ang Hong Kong kasi declared measles-free na siya, tapos marami tayong Pillipino na nagta-travel to Hong Kong.  We have safeguards naman to make sure for example ang OFWs before they leave, they undergo complete physical check- up naman. Make sure that all the vaccination is given,” aniya.

Ayon sa DOH, posibleng maapektuhan ang turismo at ekonomiya ng Pilipinas kapag pinagbawalan ng ibang bansa ang kanilang mga mamamayan na magtungo sa bansa dahil sa mataas na kaso ng tigdas.

Dagdag ng tagapagsalita ng DOH, “Sa mga tourist na papunta sa atin, we want to assure them that everything is being done by DOH to contain the outbreaks and control it the soonest time possible.”

(Aiko Miguel | UNTV News)

Tags: , , , ,