E-bikes at E-trikes, dapat na irehistro ayon sa LTO; mga magmamaneho, kailangang may lisensya na rin

by Radyo La Verdad | March 1, 2024 (Friday) | 2240

METRO MANILA – Nagsagawa kahapon (Feb. 29) ng public consultation ang Land Transportation Office (LTO) sa mga stakeholder kaugnay ng planong regulasyon sa mga driver ng e-trike at e-bikes na dumadaan sa national roads.

Kasama sa mga dumalo ang representative ng iba’t ibang transportation group, e-vehicle groups, at commuter groups

Isa sa binigyang diin ng LTO sa public consultation ang mga road incident na kinasangkutan ng mga e-bike at e-trike kaya lalo pang dapat higpitan ang patakaran sa paggamit nito.

Panukala ng LTO, dapat nang irehistro ang lahat ng uri ng light e-vehicles katulad ng e-trike at e-bike.

Kinakailangan din na may driver’s license na ang magmamaneho nito upang matiyak na may sapat na kaalaman ang driver pagdating sa traffic rules.

Nakasaad naman anila sa Republic Act 4136 o ang Land Transportation Code na dapat irehistro ang lahat ng motor vehicle.

Ayon sa LTO, pinag-aaralan nila na ipatupad ang patakaran sa lahat ng mga kalsada na maintained ng national at local government at hindi lamang sa mga national roads.

Wala pang timeline sa ngayon kung kailan maipatutupad ng LTO ang requirement na kumuha ng rehistro at drivers license sa mga e-trike at e-bike pero dapat anilang magawa na ito sa lalong madaling panahon

Wala pa ring eksaktong halaga kung magkano ang magiging registration fee ng light e-vehicles.

Tags: , ,