Edad ng sanggol na dapat mabakunahan, ibinaba ng DOH

by Radyo La Verdad | February 13, 2019 (Wednesday) | 11024

MANILA, Philippines – Mula sa dating edad na siyam na buwang gulang, ibinaba ng Department of Health (DOH) sa anim na buwang gulang ang edad ng mga sanggol na babakunahan kontra tigdas, kaugnay ng measles outbreak.

Ito’y upang agad maagapan umano ang komplikasyon na posibleng idulot nito kapag dumapo sa mga sanggol.

Paliwanag ng Philippine Pediatric Society (PPS), importante na mabigyan ng dalawang doses ng anti-measles vaccine ang mga bata.

Pero ayon kay Dr. Salvacion Gatchalian, Presidente ng PPS, para makasiguro, makabubuti raw kung kukumpletuhin na ang tatlong shot ng bakuna kontra tigdas.

“Kinakailangan na meron kang at least two doses after one year of age, so kailangan kapag nabigyan ka at nine months, meron kang second dose at 12 to 15 months of age, at ‘yung pangatlo, pwede mong ibigay at four years of age or kunwari ngayon may outbreak, pwede mo nang ibigay anytime as long as ang interval ay four weeks after the last vaccination,” paliwanag ni Gatchalian.

Bukod sa mga bata, importante rin na mabakunahan ang mga buntis dahil lubhang delikado umano kung sakaling tamaan ang mga ito ng tigdas.

Ayon sa mga doktor, kapag dinapuan ng measles ang isang buntis na nasa first trimester pa lamang o unang tatlong buwan, ay maaaring makunan ito.

Sakali namang maitawid ang unang tatlong buwan ng pagbubuntis, maaari pa ring magkaroon ng komplikasyon ang sanggol sa pagkapanganak dito.

Sa naunang pahayag ni Health Secretary Francisco Duque III, posibleng tumagal pa hanggang sa Marso ang measles outbreak.

Subalit ayon naman sa isang eksperto mula sa San Lazaro Hospital, posibleng abutin pa ito hanggang sa Hunyo dahil lalo aniyang dumarami ang mga nagkakaroon ng tigdas.

“Painit nang painit ang klima, pataas din nang pataas ang ating cases ng measles so anticipatory na hanggang June pa nangyayari usually ang cases pa ng measles, so we’ll have to see for this year kung ganoon din po,” paliwanag ni Dr. Nimfa Putong, Infectious Disease Specialist sa San Lazaro Hospital.

Bumisita naman si DOH Secretary Duque sa Jose Reyes Memorial Medical Center at San Lazaro Hospital upang kumustahin ang lagay ng mga pasyenteng may tigdas.

Sa kabila ng outbreak, tiniyak ng DOH na mayroong sapat na suplay ng bakuna na libreng makukuha sa mga health center, at DOH-accredited hospitals.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , , , ,