Full face-to-face classes sa lahat ng paaralan, dapat maisagawa sa November 2 -DepEd

by Radyo La Verdad | July 13, 2022 (Wednesday) | 8522

METRO MANILA – Magsisimula na sa August 22 ang klase para sa school year 2022-2023, pero ayon sa Department of Education (DepEd), hanggang sa Oktubre nalang papayagan ang mga paaralan na magpatupad ng blended learning modalities.

Ito ay batay na rin sa inilabas na Department Order ng kagawaran kung saan nakasaad dito na sa darating na November 2, mandatory na sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan na magpatupad ng 5 araw sa isang Linggo na full face-to-face classes.

Batay sa guidelines na inilabas ng DepEd, 5 araw na pisikal na papasok sa mga eskwelahan ang lahat ng mga estudyante simula sa November 2. Tatagal ang face-to-face classes sa loob ng 2-3 oras, habang sa bahay na itutuloy ng mga ito ang natitirang oras para sa kanilang pag-aaral.

Sa kabila nito, siniguro ng DepEd na mahigpit pa ring ipatutupad ang mga health protocol. Kabilang dito ang pagsusuot ng face mask social distancing at regular na disinfection sa mga paaralan.

Kasama rin sa nakasaad sa Department Order, na hindi na magiging batayan ang alert level system sa isang lugar, kaya ang lahat ay obligado nang mag face-to-face classes

Ngunit paglilinaw ng DepEd, handa pa rin silang sumunod sakaling maglabas ng bagong kautusan ang Inter-Agency Task Force at ang Department of Health (DOH).

Ayon sa DepEd, maglalabas sila ng karagdagang pondo upang tulungan ang mga paaralan na makapaghanda sa full face-to-face classes sa nalalapit na pasukan.

Tags: ,