Grab Philippines, patuloy na tumatanggap ng mga driver mula sa ibang TNVS companies

by Radyo La Verdad | August 21, 2017 (Monday) | 2930

Nag-organisa ang Grab Philippines ng isang expo kahapon sa Libis, Quezon City na dinagsa ng new-drivers ng Grab, at maging mga Uber drivers na naapektuhan ng suspensyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB kamakailan lang.

Ayon sa head ng Grab Philippines na si Bryan Cu, dumagsa ang application sa kanila magmula nang pahintulutan ng LTFRB na tumanggap sila pansamantala ng mga driver mula sa ibang Transport Network Vehicle System o TNVS companies.

Nagpaalala naman ang Grab na bagaman bukas sila sa ibang drivers ng kakumpetensyang Transport Network Company o TNC, sasailalim pa rin ang mga ito sa masusing proseso ng accreditation. Marami naman sa mga apektado ng Uber suspension ang umaasang maa-accredit ng Grab.

Maliban sa expo sa Libis kahapon, tumatanggap ang Grab ng applications sa kanilang opisina sa Wilcon it hub sa Chino Roces sa Makati, at sa One Espalande sa Pasay. Sa ngayon ay wala umano silang limit sa bilang na tatanggaping drivers.

Nagpaliwanag naman sila sa mga reklamo ng passenger cancellations nitong mag nakaraang araw. Anila, sinususpindi na nila ang mga driver na madalas mag-cancel ng pasahero.

Maliban sa Grab, pinahintulutan rin ng LTFRB ang U-Hop na tumanggap ng applications mula sa suspended uber drivers.

 

(Joyce Balancio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,