Grupo ng mga TNVS driver inirereklamo ang pahirapang pagkuha ng prangkisa sa LTFRB

by erika endraca | June 11, 2019 (Tuesday) | 597
(C) Top Gear Philippines

MANILA, Philippines – Magpo-protesta ngayong araw (Hunyo 11)  sa Quezon City Circle ang ilang grupo ng mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver at operator na kasama sa made-deactivate sa system ng Grab Philippines.

Ito ang mga partner drivers na walang pa ring provisional authority o prangkisa mula sa Land Transportation Franchising And Regulatory Board (LTFRB).

Ayon kay Leonardo De Leon na Presidente ng Hatchback Community, hindi makatwiran ang gagawing deactivation  sa ilang driver dahil inaasikaso naman nila ang pagkuha ng prangkisa.

Ang problema aniya  ay hindi pa rin pinapayagan ng LTFRB ang mga hatchback na sasakyan na mag-operate bilang TNVS gayong dati na naman silang naka rehistro sa Grab.

“Based po sa Memorandum Circular na inilabas nila noong February 2018 binibigyan ng three years transition period ang hatchback pero ito kung may 3 taon na transition period dapat po tanggapin nila yung mga nag-aapply na nasa platform na ni Grab” ani Hatchback Community Chairman, Leonardo De Leon.

Nagrereklamo rin ang mga ito sa anila’y pahirapan at mabagal na pagpo-proseso ng mga requirement sa LTFRB upang makakuha sila ng prangkisa.

Ilan sa mga ito anila ang pagkuha ng bank confirmity, proof of financial capability , assume balance issue at ang umano’y pahirapang pagdalo sa mga hearing upang makakuha ng Ceritificate of Public Convenience.

Sa desisyon ng LTFRB noong nakaraang taon, pinayagan nito ang pago-operate ng mga hatchback bilang TNVS subalit sa Metro Manila lamang.

Habang binibigyan sila ng 3 taong transition period bago i-phase out ang kanilang sasakyan na mangyayari pa sa taong 2021.

Ngayong araw (Hunyo 11) ay nakatakdang humarap sa LTFRB ang mga opisyal ng Grab PH, upang ipaliwanag ang biglaang pagde-deactivate ng nasa  8,000 mga partner driver nito.

Sa inilabas na pahayag ng Grab PH sinabi nito na sisimulan nila mamayang gabi ang pag-deactivate sa mga TNVS na walang prangkisa kabilang na ang ilang driver ng hatchback.

Una ng nagbabala ang Grab na posibleng tumaas ang pamasahe at magiging pahirapan ang pagbook ng byahe dahil sa deactivation ng 8,000 drivers.

Samantala kahapon (Hunyo 10)  ay  sinimulan na ng LTFRB ang aplikasyon sa 10,000 slot para sa karagdagang TNVS.

Ito’y upang mapunuan ang 65,000 supply cap na itinakda ng LTFRB para sa mga TNVS na magseserbisyo sa mga pasahero.

(Joan Nano | UNTV News)

Tags: , ,