Maayos at patas na set-up para sa media sa 2nd SONA ni PBBM, tiniyak ng Kamara

by Radyo La Verdad | July 7, 2023 (Friday) | 2278

METRO MANILA – Tiniyak ng Kamara na magkakaroon ng patas at maayos na set-up para sa mga media na magko-cover sa gaganaping ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa July 24.

Ayon kay House of Representatives Secretary General Reginald Velasco, makikipag-usap sila sa Radio TV Malacanang (RTVM) kung ookupahin nila ulit ang media center na eksklusibo nilang ginamit noong unang SONA ni PBBM.

Inaayos na rin anila ang listahan ng media personnel ng kada network para sa kanilang magiging passes upang magkakaroon din sila ng pagkakataon na makausap ang mga dadalong personalidad tungkol sa kanilang saloobin sa ulat sa bayan ng pangulo.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na media  guidelines ang kamara para sa coverage ng SONA.

Tinitignan na rin ng kamara ang posibilidad na ibalik ang nakagawiang fashion show ng mga mambabatas at mga bisitang dadalo  suot ang kanilang mga native and modern outfits.

Tags: ,