Mag-asawang Janet at Jaime Napoles, sasampahan ng kasong tax evasion

by monaliza | March 30, 2015 (Monday) | 359

JANETNAPOLES

Nakitaan ng probable cause ng Department of Justice ang pagsasampa ng kasong tax evasion laban sa tinaguriang pork barrel scam queen na si Janet Lim Napoles at asawa nitong si Jaime.

Pinakakasuhan sa Court of Tax Appeals ang mag-asawang Napoles dahil sa hindi pagbabayad ng buwis na nagkakahalaga ng P61.18 million.

Sa halagang ito, P44.7 million ang tax liability ni Janet Napoles, habang P16.4 million naman kay Jaime Napoles.
Ayon sa DOJ, ang nasabing kaso ay may kaugnayan sa mga ari-arian at investments na ginawa ng mag-asawa mula 2004 hanggang 2012.

Batay sa impormasyon ng Bureau of Internal Revenue, hindi nagbigay ng tamang impormasyon sa kanyang income tax return noong 2004, 2006, 2008 at 2009 si Janet Napoles.

Hindi rin ito naghain ng ITR noong 2010, 2011 at 2012.

Para naman kay Jaime Napoles, maling impormasyon ang inilagay nito sa kanyang 2009 ITR at bigo rin itong maghain ng ITR sa mga taong 2004, 2006, 2008, 2010, 2011 at 2012.(Bianca Dava/UNTV Correspondent)

Tags: , , , , , ,