Mahigit 50 bus ng Dimple Star, nasa kustodiya ng PNP Mindoro

by Radyo La Verdad | March 27, 2018 (Tuesday) | 2310

Dalawampu’t tatlong unit ng Dimple Star ang nakahold ngayon sa MIMAROPA Police Office sa Calapan, Oriental Mindoro.

Dalawampu’t walo naman ang nakatengga sa Provincial Police Office sa San Jose, Occidental Mindoro.

Hinuli ng mga pulis ang naturang mga bus matapos bumiyahe pa rin sa kabila ng preventive suspension order na ipinataw sa kanila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Matatandaang sinuspinde ng LTFRB ang byahe ng buong fleet ng Dimple Star matapos ang malagim na aksidente sa Occidental Mindoro noong nakaraang linggo at dahil na rin sa iba pang mga aksidente na kinasangkutan ng kanilang mga bus.

Ayon kay MIMAROPA PIO Chief PSupt. Imelda Tolentino, naharang nila ang mga naturang bus noong madaling araw ng Sabado sa Calapan at patungo sana ng Iloilo City.

Nasa apat na raang pasahero ang naapektuhan ng paghuli ng mga pulis sa naturang mga bus.

 

( Sherwin Culubong / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,