Malacañang, naniniwalang walang Mass Transportation Crisis sa bansa

by Erika Endraca | October 9, 2019 (Wednesday) | 199

MANILA, Philippines – Naniniwala ang Malacañang na walang Mass Transportation Crisis sa bansa. Ginawa ng palasyo ang pahayag matapos sabihin ng militanteng grupong Bagong Alyansang Makabayan na nakakaranas na ng Mass Transport Crisis ang Metro Manila.

Kasunod ito ng mga aberyang naranasan sa 3 Mass Transport System sa kalakhang Maynila noong nakalipas na Linggo- ang LRT1 at 2 at sa MRT 3. Subalit ayon sa palasyo, may maituturing pa ngang may improvement sa mga rail transportation system na ito.

“Ano bang ibig sabihin nila ng transportation crisis? Ang nakikita ko lang traffic, hindi yung, may transportation naman ah, nakakasakay naman tayo lahat (jump to) nabasa ko yung paliwanag, dati -dati halos araw-araw nagba-bog down ngayon nga once a week na lang, so malaki raw improvement, (so it’s good once a week na lang?) Aba eh kung araw-araw tapos ngayon once a week na lang, malaki ngang improvement” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo.

May suhestyon din ang palasyo para wag maipit sa kanilang trabaho at appointment ang mga pasahero.

“May solusyon naman dun, if you want to arrive early in your destination, then you go there earlier” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo.

Samantala, matatandaang libo-libong pasahero ang naapektuhan dahil sa pansamantalang tigil-operasyon bunsod ng nangyaring pagsabog sa LRT2 at sa ngayon ay partial operations pa lamang ang pinaiiral ng management nito.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: