Mambabatas, nanawagan kay PBBM na tugunan ang great resignation trend sa PH

by Radyo La Verdad | November 15, 2023 (Wednesday) | 1811

METRO MANILA – Ipinanawagan ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s party-list Representative Arlene Brosas kay Pangulong Ferdinand Marcos Junior na resolbahin ang nakababahalang pagtaas sa trend ng great resignation o matinding pagbibitiw sa trabaho ng mga manggagawa sa bansa.

Dapat aniyang gumawa ng agarang aksyon at taasan ang sweldo ng mga empleyado upang resolbahin ang isyu.

Nakaapekto na aniya ang great resignation phenomenon sa iba’t ibang industriya sa bansa at napipilitang umalis ng trabaho ang mga manggagawa dahil sa mababang pasahod.

Pinatindi pa ito ng patuloy na pagtaas ng inflation, kawalan ng satisfaction sa trabaho, kakulangan ng benepisyo at iba pa.

Dagdag pa ni Representative Brosas, kinakailangan nang i-certify as urgent ni Pangulong Marcos ang House Bill 4898 na nagtatakda ng national minimum wage na nakabatay sa family living wage at House Bill 7568 na nagkakaloob ng P750 na across-the-board wage increase para sa private sector workers.

Tags: , , ,