Manok mula sa San Luis, Pampanga, positibo sa H5N6 ng Bird flu na nakahahawa sa tao – DA

by Radyo La Verdad | August 25, 2017 (Friday) | 5937

Nagpositibo sa H5N6 ang sample ng Bird flu-affected na manok mula sa San Luis, Pampanga na ipinadala ng Department of Agriculture sa Australia.

Ayon sa focal person ng National Avian Influenza na si Dr. Arlene Vytiaco, nakakahawa man ito sa tao, subalit sa ngayon ay maliit pa lamang ang bilang ng mga naitatalang kaso kaugnay dito.

Sinabi rin ni Dr. Vytiaco na sa South East Asia ay may presensya na rin ng N6 strain partikular sa Myanmar, Lao PDR at Vietnam subalit wala pa namang naitatalang may nahawang tao.

Kamakailan lang sinuri ng Department of Health ang dalawang nagtatrabaho sa poultry farm sa San Luis, Pampanga na apektado ng Avian Influenza subalit nagnegatibo rin ang mga ito sa Bird flu.

Maaaring mahawa ang tao ng Bird flu sa pamamagitan ng dumi o alikabok mula sa balahibo ng manok o iba pang ibon. Ilan sa mga sintomas sa tao na nahawahan ng Bird flu ay pananamlay, walang ganang kumain, may ubo at sipon.

Pero ayon kay Dr. Vytiaco, mas mababang klase naman ang N6 strain kumpara sa N1 kung saan mas marami ang namamatay. Tiniyak naman ng kagawaran na ang mga manok na itinitinda sa merkado ay ligtas na kainin.

Katunayan anila ay mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ay mangunguna sa pagkain nito sa Lunes sa Pampanga.

 

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,