Minimum na pasahe sa jeep, balik P9 na

by Radyo La Verdad | December 4, 2018 (Tuesday) | 5154

Muling ibinalik ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa siyam na piso ang minimum na pasahe sa jeep, epektibo simula ngayong araw.

Sakop nito ang unang apat na kilometro ng biyahe ng mga public utility jeepney (PUV) na pumapasada sa Metro Manila, Central Luzon at Calabarzon Region.

Nagdesisyon ang technical working group ng LTFRB na ibaba ang pasahe matapos ang walong linggong sunod-sunod na rollback sa presyo ng produktong petrolyo na umaabot na ng nasa labindalawang piso.

Ayon sa LTFRB, hindi na mangangailangan ng panibagong kopya ng fare matrix o taripa bago maitupad ang fare roll back.

Paliwanag ng ahensya, ang siyam na pisong rollback ay provisional lamang dahil ngayong araw ay magkakaroon pa ng pagdinig para sa isa pang petisyon na humihiling naman na ibaba sa walong piso ang minimum na pasahe.

Bukod pa rito, patuloy pa ring pinag-aaralan ng LTFRB ang formula ng pasahe para sa mas mabilis na fare adjustment sa tuwing nagkakaroon ng pagbabago sa presyo ng langis.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang ilang transport group at sinabing hihintayin muna nila ang magiging pinal na desisyon sa orihinal na petisyong ibaba sa walong piso ang minimum na pasahe sa jeep.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,