Motorcycle rider na naaksidente sa Dasmarinas City, tinulungan ng UNTV News and Rescue at Dasmarinas City Rescue Unit

by Radyo La Verdad | November 21, 2018 (Wednesday) | 1472

Nakahiga pa sa kalsada nang madatnan ng UNTV News and rescue team ang lalaking ito matapos maaksidente ang sinasakyang motorsiklo sa Emilio Aguinaldo Hiway, Barangay Dasmarinas City, Cavite, pasado ala una kaninang madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Leo Luis Sabado, bente tres anyos na nagtamo ng sugat sa kaliwang bahagi ng mukha na agad namang binigyan ng paunang lunas ng grupo.

Ayon sa driver ng motorsiklo na si Garry Marcelo, papauwi sila galing sa isang kasiyahan nang mahagip nila ang isang lalaking papatawid na kinilalang si Ronald Sarabia.

Dahil sa pangyayari, tumilapon ang angkas sa motorsiklo na si Sabado, wala namang tinamong pinsala si Marcelo.

Dumating din sa pinangyarihan ang Dasmarinas City Rescue Group na sila namang nagbigay ng paunang lunas kay Sarabia.

Matapos malapatan nang paunang lunas ay dinala nang grupo si Sabado sa pagamutan ng dasmarinas, habang ang Dasma Rescue Group na ang nagdala sa ospital kay Sarabia.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,