Nasa 5,200 inmates namamatay kada taon sa New Bilibid Prison – NBP Hospital Chief

by Erika Endraca | October 4, 2019 (Friday) | 14262

MANILA, Philippines – Tinalakay muli ng Senate Blue Ribbon Committee ang umano’y iregularidad sa Bureau of Corrections (BuCor). Nahalungkat sa pagdinig ang kaso ng mga namamatay na preso sa New Bilibid Prison (NBP). Ayon sa NBP Hospital Director Ernesto Tamayo, malaki ang bilang ng nasasawing preso kada taon.

Ikinagulat ng ilang senador ang bilang na ito sa gitna na rin ng isyu sa Hospital Pass for Sale kung saan ang mga high profile inmates ay pinepeke ang kanilang mga sakit upang mailipat sa ospital at magawa ang kanilang ilegal na mga transaksyon.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Oscar Albayalde, maging sa mga presong hawak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ay problema rin ang masikip na mga kulungan. Tumestigo naman ang isang bilibid inmate sa Senado at sinabing ang dahilan ng kanilang pagkakasakit ay dahil sa kanilang kinakain.

Inirekomenda naman ni Senator Risa Hontiveros sa komite na tanggalan ng medical license si NBP medical officer na si Doctor Ursicio Cenas dahil sa kinasangkutan nitong isyu sa Hospital Pass for Sale. Naging kwestiyon sa mga Senador kung bakit tinitipid ang pagkain ng mga preso sa NBP.

Noong 2018, mahigit P1-B ang budget sa food subsistence allowance na inilaan para sa mga Person Deprived of Liberty (PDL) o aabot sa P60 kada PDL ang budget sa pagkain ito kada araw. Ngunit sa bidding na nangyari, napababa sa P39 ang halaga ng pagkain.

Ayon kay Angelina Bautista na naging caterer ng Correctional Institutionf For Women ng NBP, nanalo na sila sa bidding noong August 2018 ngunit bigla na lamang silang dinisqualify.

Sa impormasyon ni Bautista, ito ay dahil hindi umano siya nagbigay ng kickback. Samantala, Isang catering service rin ang nagsabing nablacklist noong 2017 at iniakyat nila ang reklamo sa department of justice.

Sinabi ni dating BuCor OIC Rafael Ragos sa pagdinig na P1-M kada buwan ang tinatanggap ng Director ng BuCor mula sa mga catering service. Dumipensa naman si dating BuCor Chief at ngayon ay Senator Ronald Bato Dela Rosa na sa kaniyang panahon ay wala namang nagalok sa kaniya nito ni tumanggap ng anomang suhol.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: ,

Nasa 500-700 PDLs, planong palayain ng BUCOR                     

by Radyo La Verdad | December 1, 2022 (Thursday) | 11293

Aabot sa limang daan (500) hanggang pitong daang (700) mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ang  planong palayain ng Bureau of Correction bago matapos ang taong 2022, ito ay upang maresolba ang problema ng labis na pagsisiksikan o congestion sa mga bilangguan.

Bukod pa rito, inaasikaso na rin ng BUCOR ang pagproseso sa aplikasyon ng executive clemency ng mga PDL na 66 to 70 yrs old  alinsunod na rin sa nakasaad sa batas.

“Nag-oovertime po kami ngayon tatlong shift po kami kasi ang nagpapabagal po dyan ay yung documentation eh, hindi naman po pwedeng ilalabas mo lang yan ng walang papeles, iko-coordinate mo sa government agencies of course  sa Public Attorneys Office, Bureau of Parole ‘yun pong mga ahensya na kailangan ng coordination eh,” pahayag ni Gen. Gregorio Catapang, OIC, BUCOR.

Tags: ,

Pamamahala sa Bureau of Corrections, ipinanukala na ibalik sa DOJ    

by Radyo La Verdad | November 28, 2022 (Monday) | 16130

Sa ilalim ng Bureau of Corrections Modernization Law of 2013 ay ginawang autonomous o bukod ang kawanihan. Paliwanag ni dating Department of Justice Secretary at ngayon Solicitor General Menardo Guevarra, dahil dito, supervision na lang ang tungkulin ng DOJ at wala itong kontrol sa BUCOR. Papasok na lang ang DOJ kung lumalagpas na ang BUCOR sa itinatakdang kapangyarihan nito.

Sa panahon ni Guevarra bilang DOJ Secretary, pinasok ni Suspended BUCOR Chief Gerald Bantag ang Joint Venture Agreement kasama ang Agua Tierra Oro Mina Development o ATOM corporation.

Dito nadiskubre kamakailan ang malaki at malalim na hukay sa BUCOR na ayon pa kay Bantag ay para sa isang diving pool.

Ayon kay Guevarra, hindi niya ito alam at inirekomenda niya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na huwag aprubahan ang kasunduan dahil labag sa batas.

Dagdag pa ni Guevarra, ang mga sheningans o kalokohan sa loob ng BUCOR ay malalim ang pinag-uugatan at instutionalized.

Ang rekomendasyon ni Solgen Guevarra ay magkaroon ng kabuoang pagsasaayos sa BUCOR at dapat ikonsidera aniya ng kongreso na maibailik ang buong kontrol sa BUCOR sa DOJ sa halip na supervision lamang.

Samantala, kabilang naman sa plano ng bagong pamunuan ng BUCOR na mapalaya na ang bilanggo na may edad pitumpu pataas.

Sa isang panayam kay BUCOR OIC Director General PIO Catapang Jr., sinabi nito na ang paggagawad ng Executive Clemency ay para ma-decongest na ang mga piitan sa bansa.

Dante Amento | UNTV News

Tags: , ,

Halos 400 PDLs, pinalaya na kasabay ng kaarawan ni PBBM

by Radyo La Verdad | September 14, 2022 (Wednesday) | 11629

METRO MANILA –

Pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) 371 Persons Deprived of Liberity (PDLs) kahapon (September 13).

Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla ‘Act of grace’ o regalo ito ng administrasyon kasabay ng ika-65 na kaarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa datos ng BuCor, 31 ang abswelto sa kaso, 240 ang tapos na ang sentensya, 98 ang binigyan ng parole at 2 naman ang nasa ilalim ng probation.

191 sa pinalayang PDL ay galing sa New Bilibid Prison (NBP), 37 naman sa Correctional Institution for Women, at 143 naman mula sa iba’t-ibang bilangguan at penal farms sa bansa tulad sa Zamboanga, Palawan at Davao. 45 sa mga pinalaya ay senior citizens.

Bukod dito, inaasahan ng DOJ na mapipirmahan din ng pangulo ang kanilang rekomendasyon na mabigyan ng executive clemency ang mahigit 300 pang bilanggo.

Ayon kay Justice Secretary Remulla, plano nilang lagpasan ang 4,000 pinalayang bilanggo noong 2021 sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Hihilingin din ng Public Attorneys Office (PAO) na mabigyan ng executive clemency ng pangulo ang nasa 2,000 – 3,000 preso kada taon.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,

More News