Nasa P1-M halaga ng iligal na droga, nasabat ng PNP sa anim na drug suspect sa Bacoor

by Radyo La Verdad | December 3, 2018 (Monday) | 820

Arestado ang anim na drug suspect sa buy bust operation ng PNP sa Bacoor City, Cavite noong ika-29 ng Nobyembre. Target ng operasyon si Nida Sarif alyas “Madam”.

Inaresto rin ang limang kasama nito na sina Kamar Malawe, Irene Collado, Vivencio Balatayo, April Joy Ramirez at isang alyas Acel.

Naging susi sa pagka-aresto sa suspek ang report sa kanila na may malakas umanong magbagsak ng iligal na droga sa isang motel sa Bacoor City.

Nang makumpirma ng PNP ang intelligence report, agad isinagawa ang paghuli sa suspek. Natuklasan din ng PNP na ang suspek na si alyas Madam ay matagal nang tinutugis na tulak ng droga sa Lucena City.

Nakumspiska sa mga ito ang nasa siyam na pakete ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng mahigit siyam na raang libong piso at pinatuyong dahon ng marijuana na may bigat na 0.63 grams.

Samantala, isa naman sa mga suspek ang napag-alamang miyembro ng local gun for hire sa Mindanao.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng pulisya ang mga naarestong suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Benedict Samson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,