Open access data transmission bill, nasa Senado na

by Radyo La Verdad | December 19, 2017 (Tuesday) | 2596

Tinalakay na kahapon ng Senate Committee on Science and Technology at Public Services ang bersyon nito na open access data transmission bill, ito’y matapos makapasa sa Kamara ang bersyon nito noong Nobyembre.

Pangunahing layon ng naturang panukalang batas na gawing madali sa ibang mga player o kumpanya na makapasok sa data transmission industry tulad ng mga nagbibigay serbisyo ng internet connection sa bansa.

Kung ito ay tuluyang makakapasa bilang ganap na batas, magiging mabilis ang proseso sa pagkuha ng permit ng local o foreign companies na nagnanais pumasok sa naturang industriya.

Sa ilalim ng nakapasang bersyon ng Kamara, ang National Telecommunications Commission ang mangangasiwa at magbibigay ng otorisasyon para sa mga papasok na kumpanya sa data transmission industry.

May kaukulang pamantayan rin na serbisyong dapat maibigay ng mga kumpanya, halimbawa na lamang  dito ang bilis ng koneksyon ng internet na dapat maibigay sa kanilang mga customer.

Kung saan ito ay mahigpit na imo-monitor ng NTC at kung di makasunod sa mga pamantayan ay may kaukulan itong parusa.

Ayon kay Senator Aquino, posibleng i-adopt nila ang karamihan sa mga probisyon na ito sa kanilang ipapasang bersyon. Target aniya nila na matalakay agad ito sa plenaryo ng Senado sa Pebrero sa susunod na taon.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,