P680,000 halaga ng hinihinalang shabu, nasabat sa buy bust operation sa Taytay, Rizal

by Radyo La Verdad | May 23, 2018 (Wednesday) | 3273

Hindi na nakapalag pa sa mga operatiba ng Rizal police ang hinihinalang drug courier sa buy bust operation sa C6 Road Barangay Sta. Ana. Lupang Arenda sa Taytay, Rizal alas onse y medya kagabi.

Kinilala ang babaeng suspek na si Marlyn Datalio, 40 anyos , residente ng Lower Bicutan, Taguig City.

Sa video na kuha ng isang asset ng pulis makikita ang pagbaba ng suspek sa isang taxi at sumakay ito sa puting SUV upang dalhin ang mga iligal na droga at doon nakipagtransakyon sa poseur buyer ng mga pulis.

Ilang sandali, dumating na ang mga operatiba ng Police Region Office-4A at nahuli si Datalio. Nakuha sa suspek ang 100 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga sa 680,000 piso.

Ayon pa kay PRO-4A Regional Director Chief Supt. Guillermo Eleazar, dati nang nakulong ang suspek sa Pasig City dahil sa iligal na droga ngunit nakapagpiyansa ito.

Sa laki ng halaga ng drogang nasabat kay Datalio, hindi na maaaring makapagpiyansa ang suspek na sasampahan sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Share and Enjoy !

0Shares
0 0

Tags: , ,