Panukalang taasan ang sahod ng mga public school teachers, suportado ng ilang senador

by Radyo La Verdad | May 8, 2018 (Tuesday) | 3631

Sang-ayon si Senator Sonny Angara sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Biyernes na taasan ang sahod ng mga pampublikong guro sa bansa.

Ayon sa senador, suportado nila ang planong ito ng pangulo dahil kabilang aniya ang mga guro sa mga hindi nababayaran ng sapat, kumpara sa kanilang mabigat na trabaho at papel sa lipunan.

May dalawang bersyon ng panukalang batas ukol sa pagtataas ng sahod ang nakahain sa Kongreso; una na rito ang nakabinbing panukala ni Senator Angara na gawing 42,000 pesos ang minimum salary ng mga guro na ngayon ay nasa 20,000 lamang.

Sa bersyon naman na isinusulong sa Kamara ng Makabayan bloc, nais na maitaas ang sahod ng mga guro sa tatlumpung libong piso.

Para naman kay DepEd Teachers Union President Cynthia Villarin, hanggang dalawampung porsyento o nasa apat libong piso lamang ang kanilang hihingin na dagdag-sahod dahil na rin sa nauunawaan umano nila ang kakapusan pa ng pondo ng pamahalaan.

Makikipagdayalogo ang grupo ng guro sa ilang mambabatas upang maisulong ang panukalang pagtataas ng sahod.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,