PBBM, maglalabas ng E.O. para gawing boluntaryo ang pagsusuot ng face mask sa indoor places

by Radyo La Verdad | October 26, 2022 (Wednesday) | 6976

METRO MANILA – Nakatakda nang luwagan ng pamahalaan ang sapilitan o mandatory na pagsusuot ng face mask sa indoor settings at gagawin na itong boluntaryo.

Ayon kay Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Frasco, ang pagluluwag sa face mask mandate ang tinalakay nila sa cabinet meeting.

Kung saan ikinonsidera ni Pangulong Ferdinand Marcos Junior ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force na tanggalin na ang pagsusuot ng face mask sa saradong lugar o indoor settings.

Ayon sa kalihim, required pa rin ang pagsusuot ng face mask sa public transportation, medical transportation at medical facilities.

Hinihikayat na magsuot ng face mask ang mga hindi bakunado kontra COVID-19, may co-morbidities at senior citizens.

Samantala luluwagin rin ang COVID-19 health protocol na ipinatutupad sa mga dayuhang bumibisita sa Pilipinas.

Ayon kay Secretary Frasco, ang layon ng hakbang na ito ng pangulo na tuluyang makabangon ang ekonomiya ng bansa sa pamamagitan na rin ng pagpapalakas ng turismo.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , , ,