PH Mission to ASEAN, nagkamit ng parangal sa isinagawang ASEAN PR Excellence Awards

by Radyo La Verdad | January 26, 2022 (Wednesday) | 4296

METRO MANILA – Pormal na iginawad ng ASEAN Public Relations Network (APRN) President, Dr. Prita Kemal Gani ang trophy at certificate kay Philippine Ambassador Noel Servigon sa pagkapanalo ito ng Philippine Mission to ASEAN sa 3rd ASEAN PR Excellence Awards sa ilalim ng Best in Government Public Relations Bronze Category na isinagawa nitong January 13, 2022 sa LSPR Communication and Business Institute sa Jakarta, Indonesia.

Ayon kay Ambassador Servigon, ang parangal na ito ay nagpapatunay sa adhikain ng Philippine Mission to ASEAN na isulong ang kamalayan at ang kahalagahan nito sa mga Asyano. Ito ang kauna-unahang diplomatic mission na nakatanggap ng parangal galing sa isang prestihiyosong award-giving body.

Dagdag ni Servigon, magpapatuloy ang Philippine Mission to ASEAN sa pampubliko at diplomatikong pakikipag-ugnayan upang makatulong sa pagmulat ng kamalayan sa iba’t ibang aspeto ng ASEAN.

Ang nasabing patimpalak ay isinagawa ng ASEAN PR Network sa pakikipagtulungan ng World Communications Malaysia at ng Institute Public Malaysia na ang layon nito ay maiangat ang industriya at masanay ang mga pamantayan upang lubos na makilala at gunitain ang mga ambag ng Public Relations practice sa buong ASEAN.

(Daniel Dequiña | La Verdad Correspondent)

Tags: