Senado, magsasagawa ng pagdinig ngayong araw kaugnay sa pagakamatay ng hazing victim na si Horacio Castillo III

by Radyo La Verdad | September 25, 2017 (Monday) | 3582

Inaasahang magkakaharap na ngayong araw sa pagdinig ng Senado ang mga magulang ni Horacio “Atio” Castillo III at ang pangunahing suspek sa pagkamatay nito na si John Paul Solano. Si Solano ang part-time medical technologist na nagdala kay Horacio sa ospital.

Mamayang hapon ay kapwa dadalo ito at magulang ni Horacio sa imbestigasyon ng Senate Committee on Public Order kaugnay sa pagkamatay ni “Atio” dahil umano sa hazing.

Ayon sa chairman ng komite na si Senator Panfilo Lacson, handa na umano si Solano na ihayag ang lahat ng nalalaman sa kaso.

Si Solano ay pansamantalang nakakulong sa Manila Police Distirct Homicide Section Detention Cell matapos sumuko noong Biyernes.

Ayon kay MPD Spokesman P/Supt. Erwin Margarejo, wala pa umanong ipinapasang affidavit o statement dahil inihahanda pa umano ito ng kanyang mga abogado.

Una nang tinangka ng mga magulang ni “Atio” na kausapin sa MPD headquarters kahapon ng umaga si Solano ngunit tumanggi itong humarap ng wala ang kaniyang abogado.

Una nang iginiit ni Solano na wala siyang kinalaman sa pagkamatay ni “Atio”. Bilang isang medical health provider, tinawagan lamang siya ng mga kasama sa Aegis Juris Fraternity nung nagkakagulo na at nangangailangan sila ng medical assistance.

Half dead at walang malay na aniya si Castillo ng kaniyang madatnan. Binigyan pa niya ito ng CPRat ng wala ng ibang magawa ay dinala na niya sa ospital.

 

( Reynante Ponte / UNTV Correspondent )

Tags: , ,