Short film ng La Verdad Christian College na pinamagatang “Kapteyn,” wagi sa Sinebata 2018

by Radyo La Verdad | November 8, 2018 (Thursday) | 225

Mula sa mahigit isang daang entries ng iba’t-ibang TV networks, schools at organizations, siyam na short film ang tinanghal na best video sa katatapos na Sinebata 2018.

Wagi sa amateur category ang entry ng La Verdad Christian College Apalit, Pampanga na pinamagatang “Kapteyn.” Apat na minuto ang haba ng video entry na ginawa sa loob lamang ng isang araw.

Kuwento ito ng isang mahirap na batang nangangarap maging kapitan ng barko, pero walang pantustos sa kanyang pag-aaral na sinabayan pa ng pagkakasakit ng kaniyang nanay.

Pero hindi naging hadlang ang hirap na kalagayan ng bata na nagpursigeng magtrabaho para may pang gastos sa pag-aaral, habang inaalagaan ang inang may sakit.

Ito na ang pangalawang pagkakataon na nagwagi ang La Verdad at nakuha ang best video sa amateur category.

Noong nakaraang taon, wagi rin ang short film ng La Verdad na pinamagatang “Lansangan” sa Sinebata 2017, at nanalo din sa Southeast Asia Video Festival for Children 2017.

May temang Everyday Heroes naman ang ikalawang Southeast Asia Video Festival for Children and the Youth ngayong taon.

Mula sa siyam na napiling short videos ng Sinebata 2018, dalawa dito ang ilalaban naman para sa 2018 2nd Southeast Asia Video Festival for Children sa darating na ika-22 ng Nobyembre at gaganapin sa Manila Peninsula sa Makati.

Naging emosyonal naman ang presidente ng Anak TV dahil sa tagumpay ng organisasyon at makabuluhang adbokasiyang nais ihayag.

Unity and diversity ang ilan sa mga layunin ng organisasyon ng Anak TV na kinikilala at pinaparangalan ang malikhaing kaisipan at gawa ng mga kabataan sa pamamagitan ng maikling video na nagpapakita ng magandang inspirasyon at aral sa buhay.

 

( JL Asayo / UNTV Correspondent )

 

 

 

 

Tags: , ,