Sugatang motorcycle rider, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | December 12, 2017 (Tuesday) | 1995

Nakahandusay pa kalsada ang isang lalaki nang datnan ng UNTV News and Rescue Team sa Congressional Avenue, barangay Bahay Toro, pasado alas dos kaninang madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Pablo Turla, 26 anyos. Agad nilapatan ng pangunang lunas ng UNTV Rescue ang biktima na nagtamo ng mga galos sa kaliwang tuhod at pagdurugo sa ilong at tainga.

Kwento naman ng taxi driver na si Francisco Magallanes, binabagtas niya ang Congressional Avenue nang biglang may malakas na kumalabog sa likuran ng kaniyang sasakyan.

Nang kaniyang suriin, dun niya nakita ang biktima na nakahiga na sa kalsada malapit sa motorsiklo nito. Tila lasing din aniya ang biktima dahil nangangamoy alak ito. Pagkatapos ay saka dinala ng grupo ang biktima sa East Ave. Medical Center para sa karagdagang atensyong medikal.

Para sa mga motorista na makakakita ng mga naaksidente sa daan, maaring tumawag sa iba‘t-ibang rescue units tulad ng UNTV News and Rescue Team sa telephone number: 911-8688.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

Tags: , ,