Truck ng basura na may lamang daan-daang patay na manok mula Cabanatuan City, nasabat sa Zaragosa, Nueva Ecija

by Radyo La Verdad | August 29, 2017 (Tuesday) | 2874

Hindi pinayagan ng Avian flu checkpoint sa boundary ng Nueva Ecija at Tarlac na makadaan ang isang truck na may lamang daang-daang mga patay manok at mga itlog.

Ayon sa mga otoridad, galing ang truck sa Tarlac upang itapon sana ang mga manok sa sanitary landfill doon.

Idineklara umano ang mga ito na dressed chicken na hindi nabenta sa palengke kaya itatapon na lamang.

Ngunit nang siyasatin ng Tarlac Provincial Veterinary’s Office, hindi umano dressed chicken kundi mga nabubulok na patay na manok ang laman nito.

Kaya naman hindi nila pinayagang maitapon ito sa lugar sa takot na baka may Bird flu virus ang mga ito at inatasan ang may dala ng truck na ibalik ito sa Cabanatuan City kung saan ito nagmula.

Pabalik na sana ang truck sa Cabanatuan City ngunit hinarang na ng Avian flu checkpoint sa bayan ng Zaragosa at tumangging padaanin ang mga ito.

Kumuha naman ng samples ng mga patay na manok ang Tarlac Provincial Veterinary’s Office upang maisalalim ito sa pagsusuri at matukoy kung may Bird flu ba ito o wala.

 

(Grace Doctolero / UNTV Correspondent)

Tags: , ,

Dalawang sundalo na naaksidente sa Cabanatuan City, tinulungan ng UNTV News and Rescue

by Radyo La Verdad | July 27, 2016 (Wednesday) | 4230

TMBB-CABANATUAN
Tinulungan ng UNTV News and Rescue Team ang dalawang sundalo na nasugatan sa banggaan ng motorsiklo at kotse sa Barangay Camp Tinio, Cabanatuan City kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga biktima na sina Private First Class Ador Velasco at Corporal Rommel Sumawang na pawang military enlisted officers.

Nagtamo ang dalawa ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan na agad namang binigyan ng paunang-lunas ng UNTV News and Rescue.

Kwento ng dalawa, papunta sila sa Fort Ramon Magsaysay upang umayuda sa pagbisita ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kampo nang mabangga sila ng kotse.

Matapos bigyan ng first aid ay dinala na ng grupo ang dalawa sa 7th Infantry Division Headquarters Hospital.

(Grace Doctolero/UNTV Radio)

Tags: , ,

Naaksidenteng motorcycle rider sa Cabanatuan City, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | July 15, 2016 (Friday) | 5730

GRACE_TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang aksidente sa Barangay Bangad, Cabanatuan City pasado ala-una kaninang madaling araw.

Ang biktima na si Catherine Salvador, bente-sais anyos, ay nagtamo ng mga gasgas sa tuhod at paa at pananakit sa kaliwang balikat matapos siyang maaksidente sa motorsiklo.

Ayon sa biktima, pauwi na sana siya sa kanilang bahay nang mawalan siya ng balanse at sumadsad sa kalsada ang minamanehong motorsiklo.

Matapos bigyan ng paunang lunas ng UNTV News and Rescue ay inihatid na sa ospital si Salvador ng rumesponde ring Cabanatuan Emergency Search and Rescue Team.

(Grace Doctolero / UNTV Correspondent)

Tags: , ,

166 kaso ng dengue, naitala sa Cabanatuan city

by Radyo La Verdad | June 28, 2016 (Tuesday) | 2842

GRACE_DENGUE
Patuloy nang tumataas ang kaso ng dengue sa Cabanatuan city.

Sa tala ng City Health Office, 166 na ang naitalang kaso mula Enero hanggang Hunyo 2016.

Mas mataas ito kumpara sa naitalang 108 kaso sa kaparehong panahon noong 2015 at dalawa sa mga ito ang nasawi.

Bilang pag-iingat, nagsagawa ng bakuna kontra dengue ang City Health Office para sa Grade 4 students sa mga pampublikong paaralan.

Muli ring nagpaalala ang ahensya sa mga residente na maglinis at itapon ng maayos ang mga container kung saan maaaring maipon ang tubig na kalimitang pinamumugaran ng mga lamok na carrier ng dengue virus.

Nakatakda namang magsagawa ang City Health Office ng malawakang cleanup drive sa lahat ng pampublikong paaralan sa Cabanatuan sa buwan ng Hulyo.

Ito ay bilang paghahanda sa mga pagbaha na maaaring idulot ng mga pag-ulan at pagpasok ng mga bagyo sa bansa.

(Grace Doctolero / UNTV Correspondent)

Tags: ,

More News