11 suspek, arestado sa buy bust operation sa Payatas

by Radyo La Verdad | October 11, 2017 (Wednesday) | 2166

Arestado sa dalawang buy bust operation na isinagawa ng mga pulis ang labing isang suspek sa isinagawa nitong buy bust operation sa Payatas kagabi.

Ilang linggong minanmanan ng mga pulis ang dalawang drug den sa barangay Payatas B malapit sa dump site matapos makatanggap ng mga sumbong sa mga residente tungkol sa talamak umanong bentahan ng shabu sa lugar.

Pasado alas sais kagabi, nagsagawa ng simultanious buy bust operation ang QCDP Station 6 Drug Enforcement Unit sa dalawang drug den sa lugar.

Arestado ang target ng operatibo na sina  Rodora Clemete, 50 anyos at si Jaycee Agundo, 30 anyos matapos magpositibo sa buy bust. Gayon din ang mga alalay nitong taga repack ng shabu na sina Rosalinda del Coro at Bessy Nava. Bukod pa dito ang pito pang naaktuhang gumagamit ng droga sa naturang mga drug den.

Ayon kay PCInsp. Sandie D. Caparroso, mga basurero, pahinante at driver umano ng mga truck ng basura ang mga parokyano dito.

Aminado naman ang mga suspek sa bintang ng mga pulis subalit nagawa lang umano nila ito dahil sa hirap ng buhay.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng QCPD Station 6 ang mga suspek na nahaharap sa mga kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

 

( Macky Libradilla / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,