DOTC, nais magkaroon ng access sa data base ng NBI hinggil sa pag i-isyu ng driver’s license

by Radyo La Verdad | December 1, 2015 (Tuesday) | 3749

ABAYA
Nakikipag-ugnayan ngayon ang Department of Transportation and Communication sa National Bureau of Investigation upang magkaroon ng access sa data base ng NBI.

Nais makuha ng DOTC ang negative list sa NBI upang pagbatayan sa pagi-isyu ng driver’s license sa LTO

Marami ang nagreklamo nang biglang gawing requirement ng LTO ang NBI at police clearance upang makakuha ng lisensya.

Ayon sa DOTC, ginawa nila ito upang ma-proteksyunan ang mga pasahero

Sa ngayon ay pansamantalang sinuspindi ng DOTC ang pagkuha ng NBI clearance sa mga nag a-apply ng lisensya matapos batikusin nina Senador Franklin Drilon at Ralph Recto ang LTO bunsod ng mga reklamong natanggap ng ahensya.

Ayon kay Recto, malaking halaga ang gagastusin ng mga nagnanais magkaroon ng driver’s license.

Ang isang NBI clearance ay nagkakahalaga ng P115 at ang police clearance ay P170, subalit bago ma isyuhan ang isang tao ng police clearance, kailangan munang kumuha ng barangay clearance na nagkakahalaga ng P50.

Gayon pa man, maiisyu lamang ang barangay clearance kung mayroong community tax certificate ang isang residente na nagkakahalaga naman ng P20.

Requirement naman ng PNP ang dalawang ID photo sa sinomang applicant ng police clearance na nagkakahalaga ng P60

Kung susumahin, gagastos na ng mahigit 400 pesos sa pag proseso pa lamang ng naturang requirement na kung minsan ay inaabot pa ng isa hanggang dalawang linggo bago ma-release.

Sa susunod na taon, inaasahang nasa mahigit dalawang milyon ang nakatakdang magre-renew ng lisensya sa LTO bukod pa sa mga first time applicant. (Mon Jocson/UNTV News)

Tags: , , ,