Epekto ng El Niño at ASF, dahilan ng bahagyang pagtaas ng unemployment sa bansa – PSA

by Radyo La Verdad | May 9, 2024 (Thursday) | 6837

METRO MANILA – Mula sa nakaraang 1.80-M na bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong February 2024, bahagyang tumaas sa nasa 2-M ang unemployment sa bansa para sa buwan ng mMrso ngayong taon.

Base sa latest report ng Philippine Statistics Authority (PSA), naitala sa 3.9% ang unemployment rate sa bansa para sa March 2024, na bahagyang mataas kumpara sa 3.5% na record noong Pebrero.

Gayunman mas mababa pa rin ito kung ihahambing sa 4.7% na unemployment rate sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Paliwanag ni National Statistician PSA Undersecretary Dennis Mapa ilan sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho ay bunsod ng epekto ng El niño o matinding init ng panahon.

Bukod sa El niño, sinasabing marami rin ang nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF), kung saan maraming hog raisers ang nalugi.

Maging sa industriya ng construction, may nakita ring pagbaba sa unemployment ang PSA, kung saan nasa 214,000 ang mga nawalan ng trabaho. Kabilang na rito ang construction workers at electrical installers.

Samantala, bumaba naman sa 5.39-M ang bilang ng underemployment o yung mga naghahanap ng karagdagang oras o ekstrang trabaho.

Habang naitala naman sa 49.15-M ang bilang ng mga Pilipinong may trabaho para sa March 2024.

Nangako naman ang National Economic Development Authority (NEDA) na patuloy ang Marcos administration sa pagbubukas ng mga oportunidad upang makalikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Tags: ,