Lalaking sugatan sa San Fernando, Pampanga, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | July 11, 2016 (Monday) | 2508

JOSHUA_TMBB
Wasak ang likurang bahagi ng kotseng ito matapos mabangga ng isang itim na sasakyan sa kahabaan ng Mc-Arthur Hi-way sa Barangay Sindalan, City of San Fernando, Pampanga kahapon ng madaling araw.

Isa ang sugatan sa banggaan na agad namang tinulungan ng UNTV News and Rescue team.

Nagtamo ng gasgas sa kaliwang mukha at pamamaga ng kanang braso ang isa sa mga pasahero na kinilalang si Emmanuel Castillo, 18 anyos at nakatira sa Angeles City.

Ayon kay Emmanuel, pauwi na siya kasama ang kanyang dalawang kaibigan, nang biglang may bumangga sa likuran ng kanilang kotse nang papaliko na sila sa isang kanto.

Tumanggi namang humarap sa camera ang babaeng driver ng nakabanggang sasakyan ngunit nangako itong pananagutan ang aksidente.

Samantala matapos malapatan ng pangunang lunas ang biktima ay tumanggi na itong magpadala pa sa hospital.

(Joshua Antonio / UNTV Correspondent)

Tags: , ,