Lalaking na-aksidente sa motorsiklo, tinulungan ng UNTV News and Rescue Team

by Radyo La Verdad | September 1, 2016 (Thursday) | 2400

MACKY_TMBB
Nirespondehan ng UNTV News and Rescue Team ang motorcycle accident sa Santulan Bridge, sa boundary ng Malabon at Valenzuela City pasado alas dose kaninang madaling araw.

Agad na nilapatan ng paunang lunas ang driver ng motor na kinilalag si Nanly Ilagan, bente ocho anyos.

Nagtamo ito ng bukol sa ulo, mga sugat sa kaliwang binti, kaliwang braso at sa mukha.

Iniinda rin ng biktima ang kaliwang tuhod nito na posibleng nagtamo ng bali.

Ayon sa kaibigan ng biktima, pauwi na sila sa Valenzuela nang bigla umanong nag-overtake ang isang motorsiklo sa kabilang lane, dahilan upang magkabanggaan ang dalawa.

Hindi naman gaanong nasaktan ang nakabanggaan ng biktima na kinilalang si Ompong Legazpi dahil agad itong nakapagpreno.

Samantalang nagtuloy-tuloy ang takbo ng motorsiklo nina ilagan hanggang sa tumilapon sila ng ilang metro.

Aminado si Legazpi na nawala siya sa tamang lane ngunit iginiit nito na masyadong mabilis ang takbo ng motor ng biktima.

Samantala matapos mabigyan ng first aid ay agad namang dinala ng UNTV News and Rescue Team si Ilagan sa Quezon City General Hospital para sa iba pang karagdagang atensyong medikal.

(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)

Tags: ,