Idinetalye muli ni Marina Sula sa harap ng Sandiganbayan 5th Division ang kaniyang naging partisipasyon sa Pork barrel scam.
Si Sula ang panglimang testigo ng prosekusyon laban sa dating APEC Partylist Representative na si Edgar de Leon Valdez.
Si Valdez ay kabilang sa pangalawang batch ng mga mambabatas na sinampahan ng kasong plunder at graft dahil sa PDAF scam.
Sa direct examination, inilahad ni Sula kung paano siya naging empleyado ng Jin Corporation at Jo-Christ Trading Company na prehong pagmamay-ari ni Napoles.
Ani ni Sula, ginamit lang ni Napoles ang Jin Corporation bilang front sa mga transaksyon sa mga mambabatas upang magamit ang pork barrel ng mga ito sa mga ghost project.
Sa kaniya ring testimonya, si Sula ang isa sa mga pinagkatiwalaan ni Napoles na magrehistro ng 27 non-government organizations at ginawang presidente ng isa sa mga ito ang Masagang Ani para sa Magsasaka Foundation Inc. o MAMFI.
Kabilang din umano sa mga inutos sa kaniya ni Napoles ang pagproseso ng mga bank transaction ng mga NGO na ito at ang pakikipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno.
Ayon din kay Sula, isang porsyento kada transakyon ng MAMFI ang kaniyang tinanggap mula kay Napoles.
Isa rin umano sa maraming mambabatas na naka-transaksyon ng MAMFI at ni Sula ang dating kongresista na si Edgar Valdez.
Nakita rin umano ni Sula si Valdez ng maraming pagkakataon sa opisina ni napoles upang magbigay ng endorsement letter at kuhanin ang kaniyang komisyon mula 2005 hanggang 2007 o 2008.
Mariin naman itong pinabulaan ni Valdez at sinabing panibagong kwento na naman ito ni Sula. (Rosalie Coz /UNTV News)
Tags: APEC Partylist Representative Edgar de Leon Valdez, Jo-Christ Trading Company, Marina Sula, Masagang Ani para sa Magsasaka Foundation Inc, Pork barrel scam
The Philippine Broadcast Hub
UNTV, 915 Barangay Philam, EDSA, Quezon City M.M. 1104
Radyo La Verdad © All Rights Reserved 2019
+632 8 442 6254 | Monday – Friday, 8AM – 5PM | info@radyolaverdad.com