PHIVOLCS, nagsasagawa na ng assessment sa paggalaw ng lupa sa Surigao matapos ang 6.7 magnitude na lindol

by Radyo La Verdad | February 13, 2017 (Monday) | 2509


Posible tumagal pa ng ilang linggo ang mga nararanasang aftershock sa mga lugar malapit sa epicenter ng nangyaring lindol sa Surigao del Norte noong February 10.

Ayon kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, ang Surigao segment ng Philippine fault ang gumalaw kung saan naitala ang magnitude 6.7.

Sa Surigao City ay umabot sa intensity 7 ang naramdamang pagyanig subalit sa pag-aaral ng PHIVOLCS ay maaaring umabot sa intensity 8 ang maaaring ilabas ng nasabing fault.

Huli aniya itong gumalaw noong 1879 kung saan naitala ang magnitude 6.9 subalit sa isinagawang re-assessment ng PHIVOLCS ay posibleng umabot pa ito sa magnitude 7.4.

Nagpadala na ng mga seismologist at staff ang PHIVOLCS sa lugar upang pagaralan ang naging paggalaw ng lupa at epekto ng lindol.

Sinabi rin ni Solidum na dapat ay agarang magsagawa inspeksyon ang lokal na pamahalaan sa mga gusali at iba pang istruktura upang malaman kung ligtas pa itong gamitin o hindi na.

Ang mga dalisdis ay dapat ding masuri kung may mga crack dahil posibleng magkaroon ng landslide sa oras na lumindol uli o magkaroon ng malalakas na pag-ulan.

Sinabi pa ni Solidum na mahalagang maging laging alerto ang publiko lalo na ang mga nasa Metro Manila kung saan una nang inihayag ng PHIVOLCS na may posibilidad na tumama ang isang malakas na lindol kapag gumalaw ang West Valley Fault.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: ,

Alert Level 2, itinaas matapos ang pagsabog ng Kanlaon volcano

by Radyo La Verdad | June 4, 2024 (Tuesday) | 20421

METRO MANILA – Itinaas sa alert level 2 o increasing unrest ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs) ang Kanlaon volcano matapos ang pagsabog nito kagabi, June 3.

Naglabas ng nasa 5,000 metrong taas ng plume o usok ang bulkan.

Ayon sa ulat ng PhiVolcs, tumagal ng anim na minuto ang pagsabog nito.

Pinapayuhan naman ang publiko na iwasang pumunta sa 4 kilometer-radius permanent danger zone upang makaiwas sa posibleng pagsabog, rockfall at landslide.

Tags: ,

Magnitude 7.5 na lindol sa Taiwan, hindi konektado sa mga fault sa Pilipinas – PhiVolcs

by Radyo La Verdad | April 4, 2024 (Thursday) | 44170

METRO MANILA – Pinawi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PhiVolcs) ang pangambang gagalaw ang fault line ng Pilipinas kasunod ng malakas na lindol sa Taiwan.

Ayon sa PhiVolcs, hindi konektado sa mga faultline ng Pilipinas ang nangyaring lindol, at kung magkakaroon man ng lindol sa bansa ay hindi dahil sa 7.5 Taiwan quake.

Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, hindi rin mararamdaman ang pagyanig ng 7.4 magnitude na lindol ng Taiwan sa Northern Luzon.

Ang tanging maaaring maging banta lamang nito ay ang tsunami.

Tags: , ,

Surigao Del Sur, planong magdeklara ng State of Calamity kasunod ng 7.4 magnitude na lindol

by Radyo La Verdad | December 5, 2023 (Tuesday) | 30101

METRO MANILA – Posibleng magdeklara ng state of calamity ang probinsya ng Surigao Del Sur, kasunod ng 7.4 magnitude na lindol na tumama sa lalawigan noong Sabado (December 2) ng gabi.

Sa ngayon ay patuloy na nararamdaman ang malalakas na aftershocks sa probinsya.

Batay sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), halos 2,000 aftershocks pa ang naitala sa lugar hanggang kahapon (December 4).

Mayroong itong lakas na umaabot sa 1.4 hanggang 6.6 magnitude, kung saan 19 sa mga ito ang naramdaman.

Sa datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), aabot na sa mahigit P58-M ang halaga ng pinsalang idinulot ng lindol.

Base sa naunang report, 2 ang naitalang nasawi, habang mahigit sa 57,000 mga pamilya ang naapektuhan ng kalamidad.

Kahapon (December 4), nagsimula na ang ang pamamahagi ng food packs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Tags: , ,

More News