PRO XI, nagsasagawa ng pursuit operations upang mailigtas ang pulis na dinukot ng NPA sa ComVal

by Radyo La Verdad | July 14, 2017 (Friday) | 496

Nagsagawa na ng pursuit operation ang militar laban sa rebeldeng grupong New Peoples Army upang sagipin ang pulis na dinukot ng mga ito sa Compostela Valley noong Miyerkules.

Kinilala ang pulis na si PO1 Alfredo Basabica Jr. na nakadestino sa 2nd platoon, Davao Oriental Provincial Public Safety Company sa Brgy. Aliwagwag, Cateel Davao Oriental.

Ayon sa Police Regional Office XI, dinukot si Basabica habang nakasakay ito ng bus pauwi ng Davao City.

Patay sa sagupaan sa militar ang walong miyembro ng NPA sa Laak, Compostela Valley kahapon ng umaga.

Nagsagawa umano ng tactical offensives ang 10th Infantry Division matapos itong makatanggap ng report na maghahasik ng kaguluhan ang rebeldeng grupo sa ComVal province at iba pang bahagi ng Davao Region kontra sa State Of the Nation Address o SONA ni Pres. Rodrigo Duterte.

Naharang ng militar ang apat napung armadong rebelde mula sa pulang bagani command 4 na nauwi sa bakbakan.

Agad namang nagsitakas ang mga rebelde at inabandona ang mga kasamahan nitong nasawi.

Limang M16 armalite rifles at M60 machine gun ang narecover sa encounter site na gamit ng mga rebelde.

(Marisol Montaño / UNTV Correspondent)

Tags: ,

Leave a Reply