“Morisette is Made” sa Dubai, dinagsa ng libo-libong fans

by Radyo La Verdad | August 20, 2018 (Monday) | 2753

DUBAI, UAE – Sa harap ng mahigit 4,500 na Pilipino at international fans ay muling ipinakita ng Asia’s Phoenix na si Morisette ang kaniyang singing prowess.

Sa kabila ng bahagyang pagkawala ng boses ng rising diva bago ang show, isang all-out performance pa rin ang ibinigay nito para sa kanyang mga fans. Bawat kanta ay tinilian ng mga taga-suporta nito.

Pinaka-inabangan din ang live music performance ni Morisette sa mga Wishclusive performance niya sa pambansang Wish Bus na nagpatrending sa kaniya hindi lang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Highlight din sa concert ang duet nila ng special guest at singer-actor na si Sam Concepcion. Nagpakitang-gilas din ang Wishful 5 sa kanilang unang out-of-the country performance na nagsilbing front act sa concert.

Malaki naman ang pasasalamat ni Morisette sa kanyang mga tagasuporta, Wish 107.5 at sa La Verdad Events Management sa tagumpay ng kaniyang kauna-unahang major international concert.

Ang Dubai ay ang unang bansang binisita ni Morisette para sa kaniyang “Morisette is Made” international tour.

Labis namang ipinagmamalaki ng mga Pilipino sa UAE ang ipinakitang husay sa pagkanta at pag-perform ni Morisette dahil hindi lang sila ang ang napabilib ng Pinay artist kundi maging ang ibang lahi sa Middle East.

 

( Nina Bascon / UNTV Correspondent )

Photo: Wish 107.5/ Photoville International

Tags: , ,