Imbestigasyon sa cartel ng bawang sa bansa, tututukan ng Philippine Competition Commission

by Radyo La Verdad | August 8, 2017 (Tuesday) | 5501

Naniniwala ang Philippine Competition Commission o PCC na sapat na ang dalawang taon upang mapaalalahanan ang mga kumpanya at negosyante na sumunod sa panuntunan ng Philippine Competition Act.

Ngayong araw nagtapos ang transitory period ng nasabing batas.Kasama sa binabantayan ng PCC ang mga sangkot sa cartel o kumukontrol sa mga supply ng produkto upang mapataas ang presyo nito sa mercado.

Ayon sa PCC, isa sa kanilang tututukan ngayon ay ang imbestigasyon sa umanoy kartel sa supply ng bawang sa bansa. May siyamnapung araw ang ahensya upang magsagawa ng preliminary inquiry hingil dito.

Ayon sa PCC, posibleng mapaikli ito sa hanggang animnapung araw. Ito ay dahil gagamitin nila ang resulta ng imbestigasyon ng DOJ sa umano’y kartel ng bawang noong 2014.

Subalit posibleng abutin ng 2 taon bago matapos ang kaso matapos na maisampa ito sa Department of Justice. Maaari makulong ng hanggang 7 taon ang mapapatunayang lumabag sa mga batas ng kompetisyon at magmulta ng hanggang P250M.

Posible pa itong maging triple kung ang produktong naapektuhan ay mga pangunahing pangangailangan ng mga consumer, tulad ng bawang. Noong nakaraang buwan ay una nang naglabas ng blocklist ang Department of Agriculture apatnaput-tatlong importer ng bawang.

Natuklasan ng DA na kaya tumaas ang presyo ng bawang dahil kakaunti ang suppy sa merkado na hindi naman dapat mangyari, dahil sapat ang bilang ng binigyan nila ng import permit. Subalit hindi ito ginamit ng mga importers.

70,000 metric tons ang dapat sanang ini-import nila sa unang anim na buwan ngayong taon, ngunit 19,000 metric tons lang ang kanilang ini-angkat kaya nagkaroon ng biglang pagtaas sa presyo ng bawang,

 

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: , ,